Pormal nang tinapos ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability ang mga pagdinig hinggil sa panukalang pagbibigay muli ng prangkisa sa ABS-CBN.
Binuo ng dalawang komite ang isang technical working group na gagawa ng rekomendasyon hinggil sa usapin matapos ang 12 pagdinig.
Bukas ay nakatakdang magpulong ang mga nasabing komite bagamat hindi pa masabi kung isasagawa rin kaagad ang botohan o itatakda sa ibang araw. —sa panulat ni Judith Estrada-Larino
Nanindigan si Bayan Muna party-list Representative Carlos Zarate na walang napatunayang paglabag ang giant network na ABS-CBN sa anumang probisyon ng konstitusyon.
Ito ay matapos ang mga isinagawang pagdinig ng kongreso hinggil sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN.
Ayon kay Zarate, walang nakitang ebidensya na nagpapatunay na may ginawang paglabag ang network sa konstitusyon.
Binigyang-diin din ng mambabatas na isang Pilipino si ABS-CBN chairman emeritus Gabby Lopez III, kasunod na rin ng pagkumpirma ng Department of Justice (DOJ) hinggil dito, kaya naman maaari aniya itong magmay-ari ng isang mass media company.
Dagdag pa nito, nakasunod din sa batas, ayon aniya sa Securities and Exchange Commission (SEC), ang pagbebenta ng network ng Philippine Depositary Receipts (PDRs).
Tumestigo rin aniya pati ang Bureau of Internal Revenue (BIR) hinggil sa regular na pagbabayad ng tax ng giant network.
Muli ring binigyang-diin ni Zarate na malalagay lamang sa alanganin ang trabaho ng nasa 11,000 empleyado ng ABS-CBN kung aalisan ng prangkisa ang network at tuluyang magsara.
Nanawagan naman si Zarate sa kaniyang mga kapwa mambabatas na ikonsidera ang interes ng publiko sa kanilang pagboto sa kung pagkakalooban nila o hindi ng bagong prangkisa ang ABS-CBN upang makapagpatuloy sa operasyon.
Samantala, isa si Zarate sa dalawang mambabatas, ang isa ay si Deputy Speaker Rodante Marcoleta, na nagbigay ng buod sa mga isyu at naging resulta ng nasa 12 pagdinig ng House Committee on Legislative Franchies at House Committee on Good Government and Public Accountability hinggil sa naturang prangkisa.
Taliwas naman ito sa naging panig ni Marcoleta.
Nanindigan itong may mga paglabag ang media giant sa konstitusyon at bigo aniyang magbigay ng pruweba ang ABS-CBN upang patunayang Filipino citizens ang mga magulang ni Lopez nang sya ay ipanganak sa US noong taong 1952.
Samantala, nagtatag naman na ang Kongreso ng isang technical working group (TWG) upang pag-aralan at bumalangkas ng rekomendasyon hinggil sa kung pagkakalooban ba ng prangkisa ang ABS-CBN.
Nakatakda namang ipresenta ng naturang TWG ang kanilang napagkasunduan sa pagpupulong ng House legislative franchise panel hearing, ala-1 ng hapon bukas, ika-10 ng Hulyo.