Hinimok ng House Prosecution Panel, ang Senado na simulan na ang trabaho kaugnay sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Iloilo Rep. Lorenz Defensor, isa sa mga miyembro ng prosecution team, ang pagkaantala at mabagal na pagproseso ng paglilitis ay magtutulak lamang para ipagkait ang nararapat na hustisya.
Aniya, naipadala na nila ang Articles of Impeachment sa senado at wala nang dapat na dahilan para hindi isagawa ang impeachment trial.
Mas mabuti aniya na maagang masimulan ang paglilitis kung saan, patuloy sa preparasyon ang prosecution panel partikular ang paglalatag ng legal strategies at pangangalap ng mga ebidensya upang matiyak ang matibay na kaso laban sa Bise Presidente.
Kaugnay nito, inilatag din ng mambabatas ang inaasahang hakbang ng senado kabilang na ang pagpupulong; pag-apruba sa rules of impeachment; ipatawag ang bise presidente at ipaliwanag ang inihaing reklamo laban sakaniya.
Iginiit ni Cong. Defensor, ang pagkakapantay-pantay sa impeachment trial; kasama ang lahat ng mga ebidensya at testimonya na ihaharap sa open court. – Sa panulat ni John Riz Calata