Walang katotohanan na makatatanggap ng ayuda o pondo ang mga kongresistang lumagda sa inihaing ika-apat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara.
Ito ang binigyang diin nina house assistant majority leader at Lanao Del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, kasabay ng pagsasabi na fake news at isang diversionary tactic ang nasabing isyu upang sirain ang integridad ng mababang kapulungan ng kongreso at mga merito ng ipinasang reklamo.
Dagdag naman ni 1-Rider Partylist Rep. Rodge Gutierrez, ang bawat isang pumirma sa impeachment ay naghayag ng intensyon na sumuporta nang buong katotohanan at katapatan at hindi dahil sa pangakong ayuda.
Kaugnay nito, sinabi ng mga mambabatas na inaasahan na nila ang mga disinformation at fake news na ibabato sa kamara kasunod ng pag-apruba sa impeachment laban kay VP Sara.
Nanindigan naman si house deputy majority leader at Iloilo Rep. Lorenz Defensor na hindi pinagsisisihan ng mahigit dalawandaang Kongresista ang pag-endorso sa impeachment complaint dahil malakas ang ebidensya at ang bawat House Member maging ang mga partido ay dumaan sa konsultasyon bago makabuo ng desisyon.
Dahil dito, nanawagan sa publiko ang mga Mambabatas na huwag magpadala sa mga maling balita sa halip ay pagtuunan ng pansin ang mga ground o articles of impeachment na nai-transmit sa Senado. – Sa panulat ni John Riz Calata