Binalewala ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang naging pahayag ni Congressman Edcel Lagman hinggil sa pagtutol ng ilang mambabatas sa death penalty bill.
Sinabi ni Alvarez, sapat ang supermajority coalition sa Kongreso para maipasa ang nasabing panukala.
Samantala, hindi naman direktang nagbigay ng reaksyon si Alvarez tungkol sa umano’y pagsuporta sa anti-death penalty nina dating Pangulo at ngayo’y Deputy House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo maging ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte na sina Congressmen Jericho at Karlo Nograles.
Aniya, hihintayin na lamang niya na pagbotohan ang death penalty bill.
Cong. Nograles tutol sa pagbabalik ng death Penalty
Kaugnay dito, inamin ni Congressman Jericho Nograles na tutol siya sa death penalty bill dahil hindi siya kumbinsidong kailangan ang parusang kamatayan.
Mas mahalaga aniyang pabilisin ang justice system kaysa pag-isipan ang death penalty law.
Una nang binanggit ni Congressman Edcel Lagman na sa kabila ng pagiging kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, kontra si Nograles sa panukalang magbabalik ng parusang kamatayan.
By: Avee Devierte / Jill Resontoc