Binanatan ni House Speaker Pantaleon Alvarez si Supreme Court Chief Justice Maria Loures Sereno matapos ihayag nito ang hindi niya pagdalo sa nakatakdang pagdinig ng House Committee on Justice ngayong araw.
Ayon kay Alvarez, tila may oras si Sereno para humarap sa media para sa mga panayam sa telebisyon gayung wala naman itong balak humarap sa kanila para idepensa ang kaniyang sarili.
Giit ni Alvarez, tila hindi umaastang abogado si Sereno dahil batid naman nito na kinakailangang humarap sa pagdinig ang isang inaakusahan ng impeachment para sagutin ang mga ibinabatong akusasyon laban sa kaniya.
Kasunod nito, sinabi ng House Speaker na dapat humarap ngayong araw si Sereno at hindi niya hahayaan ang mga abogado nito na siyang magtanong sa mga testigo.