Kumambyo si House Speaker Pantaleon Alvarez sa kanyang bantang hindi bibigyan ng budget ang mga gobernador na kokontra sa charter change.
Ayon kay Alvarez, wala ring katotohanan ang kanya umanong naunang pahayag na hindi magkakaroon ng halalan sa susunod na taon.
“Wala akong sinasabing ganyan. Wala. Wala akong sinasabing ganyan. Ginagawan nila ako ng kwento. Wala akong sinasabing ganon. Hindi po totoo yan. Yan po ay fake news. Tinanong kasi ako, “Is it possible..” sabi ko”Posible yan. Pero hindi ko sinabing mangyayari yun. Kasi kami, talaga naman every 3 years, nag e-election kami kaya di kami takot diyan eh.”
Samantala, binanatan naman ng kongresista ang babala ni Dating Chief Justice Hilario Davide na mauuwi sa piyudalismo ang federalismo hangga’t hindi nawawala ang mga political dynasty.
“Tumanda na yan si Chief Justice Davide hanggang ngayon akala mo pinanganak siya, kahapon parin eh. Eh tingnan mo naman, sinasabi niya magkakaroon ng pyudalismo, bakit wala ba tayong piyudalismo ngayon? Alam mo they are the cause of political dynasty kaya lumaganap pa yan. Yung term limit na yan, yung nilagay diyan sa saligang batas, yun yung dahilan kung bakit lalong lumakas yung political dynasty dahil nga, pagka halimbawa, tapos na yung termino, ano ang ginagawa ng politiko? Nagpapatakbo ng asawa, ng anak, tapos, kung babalik na siya, ayaw nang umalis ng asawa niya.”
Nakapagtataka anyang nagmula kay Davide ang babala gayong bahagi rin ito ng political dynasty lalo’t gobernador ng Cebu ang kanyang anak.