Posibleng magkaroon na ng linaw ngayong weekend kung ano ang kahihinatnan ng sigalot sa speakership race sa Kamara de Representantes.
Iyan ang pagtaya ng political analyst na si Ramon Casiple kasunod ng biglaang pagdami ng mga nagnanais maupo sa pinakamataas na puwesto sa mababang kapulungan ng kongreso.
Sa panayam ng DWIZ kay Casiple, sinabi nito na kahit saan pumaling ang publiko sa usapin, nananatili pa ring lyamado ang pangulo dahil kontrolado na nito ang mayorya ng mga mambabatas.
Well, ang bottom line dito kasi, ang presidente ang nakalamang dito politically, kasi ‘yung last election maliwanag ‘yung bagong mandate ano, at may momentum ‘yon, meaning, ‘yung kongreso obligadong tignan kung ano’ng gusto ng president dahil syempre ayaw niyang magkaroon ng speaker na iba ang nasa isip lalo pa kanyang majority ‘yan. At the end of the day may indikasyon ‘yan from the president. Hindi ‘yan public pero lilitaw ‘yan. At nauubos ‘yung oras kaya sabi ko nga I expect that weekend na,” ani Casiple.
Sa usapin naman ng paglutang ni Davao City Rep. Paolo ‘Pulong’ Duterte sa speakership race, sinabi ni Casiple na isa lamang itong uri ng banta sa mga miyembro ng kamara na magkasundo na.
At the moment, ako, ang tingin ko panakot pa lang ‘yan, e. Kaya hindi pa isyu ‘yung resignation or even ‘yung pagpasok. Kasi hindi naman sila ‘yung mga nagsimulang pangalan. Ako ang tinitignan ko, ang effect niyan, kasi panakot niya e, pag di kayo nagkasundo may ipapasok na iba. So, tignan natin kung magkasundo,” dagdag pa ni Casiple.
Balitang Todong Lakas Interview