Sigurado na umano si incoming Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez ng PDP-Laban sa House Speakership.
Ayon kay Senador Koko Pimentel, lider ng PDP Laban, pumapalo na sa 180 kongresista ang nagpahayag ng pagboto kay Alvarez para sa House Speakership.
Maliban sa Nacionalista Party at sa Partylist Bloc, lumahok na rin umano sa Coalition for Change ng susunod na Kongreso ang Nationalist People’s Coalition at maging ang Lakas CMD.
Samantala, aminado si Pimental na bagamat ilang miyembro ng Liberal Party ang nagpahayag ng pagsuporta sa Coalition for Change, nananatili pa ring malaki ang bilang ng magsisilbing minorya sa Kongreso.
Bahagi ng pahayag ni Senator Koko Pimentel
Incoming cabinet officials
Umapela naman si Senador Koko Pimentel, sa mga kritiko ni presumptive president Rodrigo Duterte na huwag munang husgahan ang mga napiling maging miyembro ng gabinete ng susunod na administrasyon.
Ayon kay Pimentel, dapat ay i-base sa performance ang paghusga sa mga napiling opisyal ni Duterte at hindi sa mga nakalipas na nilang mga pahayag , hinawakang kaso o posisyon sa isang isyu.
Matatandaan na isa sa mga binabatikos na appointment ni Duterte ay ang ang pagtatalaga bilang Presidential Spokesman kay Atty. Salvador Panelo na dating abogado ng mga Ampatuan na pinaghihinalaang mastermind ng Maguindanao massacre.
Bahagi ng pahayag ni Senator Koko Pimentel
By Len Aguirre | Ratsada Balita