Mahigit 40 porsyento pa lamang ng mga housing units ang natatapos ng gobyerno para sa mga biktima ng kalamidad, halos limang taon matapos ang pananalasa ng super typhoon Yolanda sa Leyte.
Sa katunayan, sa pagdinig ng Senate Committee on Urban Planning Housing and Resettlement na pinamumunuan ni Senador JV Ejercito, lumilitaw na sa 200,000 housing units na target ng gobyerno para sa mga biktima ng Yolanda, 90,000 pa lang ang natatapos.
Gayunman, sa 90,000 units, 32,000 pa lamang sa mga ito ang okupado kaya’t nais ng senado na malaman ang dahilan kung bakit napakabagal ng trabaho ng National Housing Authority at iba pang ahensya ng gobyerno gayong pinaglalaanan ito ng pondo ng Kongreso kada taon.
Nangangahulugan aniya ito na libo-libo pa rin ang nakatira at nagtitiis sa mga temporary shelter at tent na itinayo para sa mga biktima ng super typhoon.
Bukod sa Yolanda victims, may housing projects din na ipinatatayo ang gobyerno para sa mga biktima ng bagyong Sendong noong 2011 at Zamboanga siege noong 2013 subalit gaya ng sa Yolanda, halos 40 porsyento pa lang ang natatapos.