Aminado ang PNP Highway Patrol Group o HPG na suntok sa buwan ang isinasagawa nilang clearing operations sa mga Mabuhay Lanes.
Ito’y kung patuloy na magmamatigas at hindi makikipagtulungan ang mga opisyal ng barangay gayundin ang mga local government units.
Ayon kay PNP HPG Director C/Supt. Arnold Gunnacao, kadalasan kasing bumabalik ang mga pasaway na motoristang pumaparada sa mabuhay lanes na siyang nagdudulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Kakaunti lamang ang kanilang mga tauhan gayundin ng puwersa ng MMDA kaya’t hindi nila kayang bantayan 24 oras ang 17 kalsadang itinalaga bilang alternatibong ruta.
Kasunod nito, nanawagan si Gunnacao sa mga lokal na pamahalaan na atasan ang kanilang mga opisyal ng barangay na tumulong para panatilihing maluwag ang Mabuhay Lanes.
By Jaymark Dagala | Jonathan Andal