Balik na ang mga miyembro ng PNP-HPG o Highway Patrol Group sa pagmamando sa EDSA at sa iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ito ang napagdesisyunan ng I-ACT o Inter- Agency Council for Traffic kasunod ng inaasahang pagbigat ng trapiko sa Metro Manila ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay DOTr o Department of Transportation Undersecretary Tim Orbos, bukod sa EDSA ay pagtutulungan ng Hpg at MMDA traffic constable ang pagsasaayos ng trapiko sa P. Tuazon hanggang Connecticut/ White Plains.
Apatnapung (40) miyembro ng HPG ang ipapakalat sa kahabaan ng Metro Manila habang 20 naman sa Connecticut.
Nobyembre noong nakaraang taon nang bawiin ng MMDA sa PNP- HPG ang pamamahala ng trapiko sa EDSA.
Samantala, tiwala ang DOTr o Department of Transportation na malaki ang maitutulong ng HPG para maibsan ang mabigat na trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila partikular sa EDSA.
Ayon kay DOTr Undersecretary Thomas Orbos, kanilang inaasahan na tataas ng hanggang 30 porsyento ang volume ng mga sasakyan na papasok sa Metro Manila ngayong Kapaskuhan.
Paliwanag ni Orbos ito ay dahil sa mas mabilis ang palitan ng komersyo ngayong holiday season at pagdagsa ng mga taong mamimili o magsusundo ng mga kaanak na uuwi mula sa ibang bansa.
Kasabay nito sinabi rin ni Orbos na pinulong na ni MMDA Chairman Danilo Lim ang mall owners para sa mga kautusan ngayong Kapaskuhan.
“Pinatawag na sila na wala munang mall sale during weekdays at komersiyo sa gabi muna ilagay, sana maintindihan rin ng mga mall kung bakit ginagawa ito, talagang kailangan ang mga ganitong paraan, masikip na po talaga ang EDSA.” Pahayag ni Orbos
Krista de Dios / (Ratsada Balita Interview)