Humihingi ng dagdag na pondo ang Philippine National Police (PNP) Highway Patrol Group (HPG) ngayong sila na ang nagmamando ng trapiko sa EDSA.
Paliwanag ni PNP-HPG Director Chief Superintendent Arnold Gunnacao, hindi pa kasama sa trabaho ng HPG ang pagta-trapik sa EDSA nang gawin ang 2016 proposed budget ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Anya, magre-request sila ng supplemental budget kung saan mangangailangan sila ng P13 milyon na gagamitin sa dagdag na suplay ng gasolina para sa kanilang 54 na motorsiklo at 16 na mobile patrol.
Aabot naman sa P216,000 ang hihingin ng PNP-HPG para sa maintenance ng kanilang mga sasakyan at mula sa P30 per day na subsistence allowance, hihirit aniya sila na gawin itong P150 kada araw.
Pero ayon kay Gunnacao, ito naman ay kung magtatagal sila sa kanilang trabaho sa EDSA hanggang 2016.
By Mariboy Ysibido