Paiigtingin ng Joint Task Force COVID Shield ang kanilang pagmamanman sa mga motoristang patuloy na lumalabag sa mga panuntunan ng enhanced community (ECQ).
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations at Joint Task Force COVID Shield Commander P/Ltg. Guillermo Eleazar, inatasan nila ang PNP Highway Patrol Group na higpitan pa ang pagmamanman laban sa mga unauthorized persons outside of residence (UPOR).
Sinabi ni Eleazar, nais nilang matiyak na nasusunod ang ilang mga panuntunan tulad ng paglilimita sa galaw ng mga tao maliban sa mga exempted o iyong mga tao na may mahahalagang pakay tulad ng frontliners.
Gayundin ay kung mahigpit ding nasusunod ang social distancing sa mga pasahero ng bumibiyaheng sasakyan tulad ng deliveries gayundin sa mga essential workers na daraan sa mga itinalagang quarantine control points at checkpoints.
Babala ni Eleazar, titiketan ang sinumang motorista ng pribadong sasakyan na hindi pinapayagang bumiyahe sa kalsada at tiyak na maparurusahan ito sa ilalim ng mga umiiral na ordinansa at batas pambansa.