Simula sa Lunes, Highway Patrol Group (HPG) na ang magmamando sa daloy ng trapiko sa anim na lugar sa kahabaan ng EDSA.
Itoy bilang pagtalima sa direktiba ng Malacañang na ayusin ang matindi nang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay Senior Supt. Arnold Gunnacao, Hepe ng Highway Patrol Group, sila ang magmamando ng daloy ng trapiko sa Pasay Rotonda, Guadalupe, EDSA-Shaw Blvd., Ortigas, Cubao at Balintawak.
Pangunahin aniyang tungkulin nila ang pagdisplina sa mga drivers at tiyaking walang makakalusot sa pagsunod sa batas trapiko.
“Ugali nating karamihan ay gusto nating makalusot baka habang hindi pa tayo nahuhuli ay pupuwede nating gawin, so ngayon po habang nandiyan nap o ang Highway Patrol Group, talaga pong i-implement natin ang batas, pag nag-violate ka ng batas, huhulihin ka, titiketan ka upang sa ganun sa susunod ay hindi mo na gagawin ‘yun, kailangan din po natin ang kooperasyon ng mga driver at operator upang mabigyan din ng reminder an gating mga driver.” Ani Gunnacao.
Kasabay nito, tiniyak ni Gunnacao na history na ang imahe ng Highway Patrol Group na laging nasasangkot sa pangongotong.
Nanawagan si Gunnacao sa publiko na agad ipagbigay alam sa kanila kung mayroong kahit isa sa kanilang mga miyembro ang aabuso sa tungkulin.
“’Pag may mga tropa na ma-iinvolve sa ganun ay lalong kakasuhan namin, ngayon ang concentration namin ay ang pagpapatupad ng batas trapiko kaya sinisigurado namin na wala po tayong tropa na mai-involve sa ganun, kung meron man na mai-involve sa kotong ay ipag-bigay alam agad sa amin at aaksyunan namin agad ‘yan para matanggal ang mga taong ganyan ang pag-uugali sa kalye.” Paliwanag ni Gunnacao.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit