Tiwala si Senador Panfilo Lacson na malaki ang maitutulong sa mga susunod na senador ang kanilang ihahaing petisyon sa Korte Suprema bukas.
Ito’y para linawin sa mga mahistrado ang papel ng senado sakaling magpasya ang pamahalaan na kanselahin ang mga pinasok nitong kasunduan o tratado sa iba’t ibang mga bansa.
Sa panayam ng DWIZ kay Lacson, sinabi nito na mahalagang malaman ng publiko kung ano ang kapangyarihan ng senado sa ilalim ng mga umiiral na batas.
Kasi ang nasa constitution lamang, 2/3 dun para mag-ratify, mag-conform sa ratification, silent ang constitution doon sa pag-terminate o pag-withdraw. So, anyway gusto lang namin liwanagin kung nakita tuon lamang sa VFA o kung ano mang tratado,” ani Lacson.
Sa panig naman ni Senador Richard Gordon, ito na aniya ang pagkakataon kung saan kailangan nang pumasok ang hudikatura para linawin ang mga batas na umiiral sa bansa partikular na sa pagpasok ng Pilipinas sa mga kasunduan nito sa ibang bansa.
Ang tingin ko dapat ibang paraan, dapat para masukat mismo ng Supreme Court na meron namang issue na dapat paglabanan, dapat tataas ang third branch of government andyan ang executive, andyan ang legislative, papasok na ngayon dyan ang judiciary para malaman kung ano talaga ang batas,” ani Gordon.