Naka-quarantine simula ngayon hanggang sa July 8 ang lahat ng hukom at empleyado ng lahat ng korte at offices of the clerk of court sa Makati City.
Batay sa memorandum ni Executive Judge Elmo Alameda, isang empleyado ng korte na may mga kamag-anak rin sa ibang korte sa Makati City ang nagpositibo sa rapid test at isa pa ang person under investigation.
Nakatakda umanong sumalang sa swab testing ang dalawa sa mga susunod na araw.
Inatasan rin ni Almeda ang mga korte na simulan na ang contact tracing at magreport agad kung sakaling may maramdaman silang sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dahil dito, dalawang linggong sarado ang lahat ng korte at OCC’s sa Makati City subalit tuloy ang operasyon sa pamamagitan ng pag-contact sa kanilang hotline numbers at judiciary emails.
Maaari rin umanong magsagawa ng video conference hearings ang mga korte at tumanggap ng pleadings sa pamamagitan ng electronic filing.