Inihayag ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, na itutuon ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng buong administrasyon ang rehabilitasyon sa mga lugar na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Odette.
Ayon kay Nograles, hanggang sa June 30, 2022 na lamang pamumunuan ng administrasyong Duterte ang bansa kaya kanilang mamadaliin ang pagresolba sa iniwang pinsala ng naturang bagyo.
Sinabi pa ni Nograles na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang matulungan ang mga lugar na nasalanta na ngayon ay isinailalim na ni Pangulong Duterte sa State of Calamity kabilang na ang Regions 4-B, 6, 7, 8, 10 at 13.
Nanawagan naman si Nograles sa publiko na makiisa at suportahan ang mga programang ipinatutupad ng mga ahensya ng gobyerno upang matulungan ang bawat isang Pilipino.
Kumpiyansa din si Nograles na magagawa ng administrasyon ang kani-kanilang trabaho para matulungan ang mga apektadong residente sa Visayas at Mindanao maging ang iba pang problemang kinakaharap ng bansa.
Sa kabila nito, umaasa si Nograles na maipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang nasimulan ng administrasyong Duterte. —sa panulat ni Angelica Doctolero