Hanggang ngayong araw na lamang ng Biyernes, Enero 5, ang ibinigay na palugit ng Department of Energy o DOE sa mga kumpanya ng langis para makapagsumite ng imbentaryo ng kanilang mga lumang stocks.
Kaugnay ito ng pagiging epektibo ng pagpapataw ng excise tax simula noong Enero 1 para sa mga bagong stocks ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa DOE, kailangan nila ang imbentaryo para maiwasang magkaroon ng pag-abuso sa pagpapataw ng buwis at mabantayan ang kapakanan ng mga consumers.
Binalaan naman ng DOE ang oil companies sa posibleng kaharaping parusa oras na mabigo ang mga ito sa pagsusumite ng kopya ng kanilang imbentaryo.
Matatandaang nanawagan ang ilang Kongresista sa Department of Energy (DOE) at iba pang ahensya na magbantay kaugnay sa posibleng gawing pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo ng ilang mga kumpanya ng langis nang mas maaga sa implementasyon ng tax reform package.
Banta pa ng Kongresista, maaaring maharap sa kasong ‘economic sabotage’ ang oil companies na mapatutunayang magsasamantala.
Kaugnay nito tiniyak naman ni DOE Assistant Secretary Bodie Pulido na mananagot ang mga kumpanya ng langis na agarang magtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.