Inaasahan ang pagdagsa ng mga magpaparehistro ngayong huling araw (Oktubre 31) ng voter’s registration na may ugaling ‘last minute’ o kung kailan ang deadline ay saka lamang magkukumahog na magparehistro para sa 2016 elections.
Bagamat may payo sa mga Pinoy na iwasan na ang ‘last minute’ mentality, hinikayat muli ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga botante na samantalahin ang huling araw ng registration period upang makatiyak na makakaboto sila sa halalan.
Muli ring ipinaalala ng COMELEC na kahit rehistradong botante ngunit wala namang biometrics ay hindi pa rin papayagang makaboto.
Mayo 6, 2014 pa nang simulan ng COMELEC ang voters registration para bigyan ng sapat na panahon ang mga botante na magparehistro.
Patuloy namang naninindigan ang COMELEC na hindi na sila maaari pang magpatupad ng extension sa registration period dahil maaapektuhan ang ginagawa nilang preparasyon para sa national and local elections na nakatakda sa Mayo 9, 2016.
COMELEC: ‘No extension’ sa pagpaparehistro
Iginiit ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista na walang extension ang pagpaparehistro para sa 2016 elections.
Gayunman, sinabi ni Bautista na pinahaba na lamang nila ng hanggang 12 oras ang registration ngayong araw na ito.
Ayon kay Bautista, inaasahan na nila ang dagsa ng last minute registrants sa huling araw nang pagpaparehistro ngayong araw na ito.
Magugunitang May 2014 pa nagsimulang ikasa ng COMELEC ang pagpapa-biometrics para sa 2016 elections.
By Mariboy Ysibido | Judith Larino