Dumating na sa bansa ang pinakahuling batch ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs na nag-avail ng amnesty program ng pamahalaan ng Kuwait.
Sakay ang dalawang daan at labing anim (216) na mga OFW ng Qatar Airways at lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1, dakong alas-6:15 kaninang umaga.
Kasama nilang bumalik ng bansa sina Acts-OFW Representative John Bertiz, Communications Assistant Secretary Mocha Uson, Foreign Affairs Diplomacy Acting Assistant Secretary Elmer Cato at Consul General Pendosina Lomondot.
Habang sinalubong naman sila sa NAIA ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.
Ayon sa DFA, umabot sa mahigit limang libong (5,000) mga OFW ang napauwi ng pamahalaan sa pamamagitan ng alok na amnesty program ng Kuwaiti government noong Pebrero.
(Ulat ni Raoul Esperas)