Inatasan na ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang lahat ng Major Service at Unified Commanders nito ang paglulunsad ng huling bugso ng opensiba nila laban sa New People’s Army o NPA bago matapos ang termino ni Pang. Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ni AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino sa kaniyang unang command conference para sa taong ito sa AFP General Headquarters sa Kampo Aguinaldo, Quezon City.
Sinabin ni Centino na bilang Chief of Staff ng AFP, siya na mismo ang mangunguna sa huling bugso ng opensiba ng kanilang kampaniya na ubusin ang mga terroristang komunista sa bansa.
Partikular na ipinag-utos ni Centino ang redeployment sa mga tropa na lulusob sa nalalabing kuta ng mga rebelde, sirain ang kanilang kagustuhang lumaban at putulin ang suplay ng kanilang pagkain gayundin ng kagamitan.
Nito lamang 2021, ipinagmalaki ni Centino na aabot sa 43 mga matataas na opisyal ng NPA at CPP Central Committee members ang kanilang na-neutralisa, 10 kuta ng mga gerilya ang nabuwag habang nasa 3 libo ang napasuko.