Inihayag ng Korte Suprema na itutuloy nito ang huling flag ceremony ni outgoing chief Justice Diosdado Peralta bukas, 22 ng Marso.
Sa isang abiso, sinabi ng Korte Suprema na tuloy na tuloy ng gagawing flag ceremony sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Paliwanag ng Korte Suprema, mahigpit na ipatutupad ang mga health protocols sa mga opisyal at ilang indibidwal na dadalo sa naturang aktibidad.
Mababatid na bukod kay outgoing Chief Justice Peralta, dadalo rin ang mga mahistrado, chief of offices, mga opisyal ng Supreme Court Association of Lawyers, at ilang mga empleyado.
Habang ang mga hindi naman makadadalo ay hinimok na tutukan ang livestream nito.
Samantala, matapos nito, sa 27 ng Marso ay nakatakda nang magretiro si Peralta bilang mahistrado.