Kung may ipata-tattoo ka sa iyong katawan, anong disenyo ito? Anuman ang iyong napupusuan, tiyak na mayroon itong special meaning para sa iyo.
Ganito mismo ang ginawa ng 24-anyos na si Vincent John Tuibeo mula sa Bacoor, Cavite na nagpalagay ng tattoo bilang parangal sa pinakamahalagang bahagi ng kanyang buhay—ang kanyang ina.
Ngunit imbes na pangalan o larawan ang ipa-tattoo, napagdesisyunan niyang ipalagay sa kanyang tagiliran ang huling liham ng kanyang ina bago ito pumanaw.
Mag-isang itinaguyod si Vincent at ang kanyang mga kapatid ng kanilang inang si Joy Anne.
Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin ang ina na tapusin ang kanyang kursong nursing; ngunit nang makapagtapos na ito noong 2008, tinamaan na siya ng sakit. Dito na napag-alaman na mayroon siyang cervical cancer.
Nagsimula na ang ina ni Vincent na magpabalik-balik sa ospital, hanggang sa ma-confine na ito at hindi na nila mabisitang magkakapatid.
Dahil mahilig ang pamilya na magpalitan ng sulat noon pa man, idinaan dito ng kanilang ina ang nais niyang sabihin sa mga anak.
Hanggang sa tuluyan nang binawian ng buhay ang kanilang ina at inilibing sa mismong 10th birthday ni Vincent.
Higit sa isang dekada na ang lumipas, ngunit ramdam pa rin ni Vincent ang sakit at lungkot sa tuwing binabasa ang huling liham sa kanya ng kanyang ina kung saan binilinan silang magkakapatid na huwag mag-away away at panatilihin ang takot sa Diyos.
Sa kasalukuyan, may kanya-kanyang trabaho na ang magkakapatid, samantalang nag-aaral sa kolehiyo ang kanilang bunso. Ngunit hanggang ngayon, ang ina pa rin ang kanilang pinaghuhugutan ng lakas.
Hapdi at kirot ang tiniis ni Vincent sa pagpapa-tattoo, maitatak lamang nang permanente ang huling mensahe ng kanyang pinakamamahal na ina para sa kanya.