(Updated)
Iminungkahi ni Senate President Vicente Sotto III ang pagpapalit sa huling linya ng pambansang awit na Lupang Hinirang.
Sa deliberasyon ng Senado hingil sa panuklang dagdagan ang sinag ng araw ng watawat ng Pilipinas, inihayag ni Sotto na tila nagpapahiwatig ng pagiging defeatist o pagtanggap agad ng pagkatalo ang huling dalawang linya ng pambansang awit
Ayon kay Sotto, kanyang naisip na palitan ng linyang “Ang Ipaglaban ang Kalayaan Mo” ang kasalukuyang “Ang Mamatay nang Dahil Sa ‘yo”.
Nilinaw naman ni Sotto na hindi niya ipinipilit ang agad na pagpapalit sa nasabing bahagi ng pambansang awit pero kanyang hinihikayat ang mga kasamang senador na ikunsidera ito.
Kasabay nito ay pinaghihinay-hinay ng historian na si Professor Xiao Chua ang mga nagnanais na palitan ang ilang bahagi ng Lupang Hinirang.
Ayon kay Chua, bukas siya sa pagbabago sa pambansang awit subalit kailangan aniyang ihalintulad sa pag-amyenda ng kontitusyon ang gagawing pagbabago.
Ibig anyang sabihin, ang mga susulating bagong letra o lyrics ay dapat idaan muna sa pagsang-ayon ng isang komite na bubuuin ng mga eksperto sa Filipino at kasaysayan.—Len Aguirre
“Meron ding part na nagsasabi sakin na antagal na nating national anthem ‘yan eh, siguro kung babaguhin man very minimal hindi ‘yung babaguhin ang napakaraming linya, kasi may pinagbatayan tayo niyan ‘yung Spanish original sa Pilipinas ni Jose Palma, ‘yan ay lyrics na ginawa noong panahon pa po ng rebolusyon.” Pahayag ni Chua
(Ratsada Balita Interview)