Nagsimula sa paninisi noong 2010, nagtapos sa paninisi ngayong 2015, yan ang nilalaman ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino ayon kay Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate.
Sinabi ni Zarate na wala na umanong ginawa ang Pangulong Aquino kung hindi sisihin ang kanyang mga kritiko at ang nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Arroyo sa mga palpak ng kanyang kasalukuyang administrasyon.
Kabilang si Zarate sa mga Makabayan Bloc Congressman na nagladlad ng kapirasong tela matapos ang SONA na may mga katagang “Mapang-Aping Haciendero” at “Serbisyong Palpak”.
Dagdag pa ni Zarate panay kasinungalingan ang mga sinabi ni PNoy sa SONA kahapon.
“’Yung huling SONA ay puro kasinungalingan, puro hindi totoo yung sinasabing ulat mo sa bayan, at puro pa rin paninisi ang ginagawa mo. Nung pumasok ka, uubo-ubo na yung ekonomiya natin, ngayon lumabas ka na, hinihika na ang ating ekonomiya, ayaw mo pa ring aminin sa bayan na malaki ang iyong pagkukulang.” Pahayag ni Zarate.
Pamumulitika lang
Malinaw na pamumulitika lamang ang ginawa ng Pangulong Noynoy Aquino.
Sinabi ito ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate bilang depensa sa ginawa ng Makabayan Block sa kongreso na nagtaas ng placards matapos ang SONA.
Ayon kay Zarate, malinaw na ginamit ng Pangulo ang SONA upang koronahan si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas bilang kandidato sa pagka-Pangulo ng administrasyon.
“Ano ba talaga yung tatahakin ng ating bansa? Ang nakita natin kahapon ay pamumulitika, maliban sa pamumulitika ay pinupuri mo ang sarili mo, we respect kung meron mang mga hindi sumasang-ayon sa aming ginawa, pero sa tingin namin that is a righteous statement on our part.” Ani Zarate.
Malaking panaginip rin para sa Bayan Muna ang sinabi ng Pangulo na halos abot kamay na ng Pilipinas ang pagiging first world country.
Ayon kay Zarate, habang nakakapit ang bansa sa liberalization policy, malabo pa ring makaangat ang ekonomiya ng bansa.
Sinabi ni Zarate na kung susundin nila ang sistema ng pagbibigay ng grado sa kolehiyo, kwatro o bagsak na grado pa rin ang puwedeng ibigay sa Pangulo.
“Napakalaking panaginip nun no, habang ang policy na sinusunod ng pamahalaan magmula pa noon hanggang ngayon, yung polisiya ng new liberalization na kung saan ang ating ekonomiya ay nabuhay naman, ang tao, wala tayong sinasandigan talagang halimbawa national industrialization, meron tayong totoong repormang agraryo, isang malaking panaginip na lang yan.” Giit ni Zarate.
Anti-Dynasty Bill
Hinamon ng Bayan Muna ang Pangulong Noynoy Aquino na utusan ang lahat ng kanyang mga kaalyado sa dalawang kapulungan ng kongreso na ipasa ang Anti-Dynasty Bill.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate, wala ring kahihinatnan ang Anti Dynasty Bill kung hindi ito ipupursige ng Pangulo kahit pa binanggit nya ito sa kanyang State of the Nation Address.
Sinabi ni Zarate na posibleng matulad lamang sa Freedom of Information Bill o FOI na bagamat nabanggit sa mga naunang SONA ng Pangulo ay wala rin namang kinahinatnan dahil hindi ito ipinupursige ng Malacañang.
“Ang Kongreso ay atleast 75 % dito ay miyembro ng mga dynastiya, kung ito man ay lulusot ay gagapang at gagapang ito ng pahirapan, kaya kung talagang seryoso si Presidente Aquino sa kanyang tinuran ay magbigay siya ng napakaseryosong marching order.” Paliwanag ni Zarate.
By Mariboy Ysibido | Len Aguirre | Ratsada Balita