Nagpaalala ang Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa karapatan ng publiko sa kasagsagan ng umiiral na Luzon-wide community quarantine.
Ayon kay Jacqueline De Guia, tagapagsalita ng CHR, kailangang maging maalam ang publiko sa karapatan nito at maging alerto laban sa posibleng pang-aabuso sa gitna ng quarantine.
Sa kabila aniya ng mga paghihigpit na ipinatutupad ng gobyerno bilang bahagi ng enhanced community quarantine sa Luzon, kinakailangan pa rin aniyang maging sentro ang kapakanan at karapatan ng mga mamamayan.
Binigyang-diin din ni De Guia na dapat ay magkaroon ng pantay-pantay na suporta ang gobyerno hanggang sa pinakamahihirap na komunidad, at walang sinuman ang dapat aniyang mapag-iwanan sa paglaban sa COVID-19.