Nagtalaga rin ng mga human rights officer ang Philippine National Police o PNP para sa mga mag-kikilos protesta sa State of the Nation Address o SONA sa Quezon City ngayong araw.
Bukod pa ito sa nauna nang idineploy na miyembro ng Civil Disturbance Management Units.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, itinalaga ang mga human rights officer para rumesponde sakaling magkainitan ang mga pulis at mga raliyista o magkaroon ng mga hindi inaasahang pangyayari.
Kanila ring babantayan kung may maitatalang paglabag sa karapatang pantao.
Una nang itinaas ng PNP ang full alert status sa kanilang buong puwersa bilang paghahanda na rin sa SONA kanilang alas-5:00 ng umaga.
Sa ngayon, aabot sa 7,000 mga pulis ang itinalaga sa paligid ng Batasan at kahabaan ng Commonwealth para magbigay seguridad sa SONA.
(Ulat ni Jaymark Dagala)