Binuweltahan ng Malakanyang ang Human Rights Watch at iba pang grupo na magdahan-dahan sa kanilang pakikialam sa panloob na usapin ng Pilipinas.
Ito’y matapos ihayag ni Human Rights Watch Deputy Director For Asia Phelim Kine na sa wakas ay inamin din ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang “war on drugs” ay laban sa mga mahihirap at pagsuway sa karapatang mabuhay.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang kawalan ng kaalaman sa tunay na kaganapan at pang-unawa sa mga ugat ng problema ay indikasyon ng malalim na pagkamanhid sa ibang kultura ng HRW.
Binigyang-diin ni Abella na ang kampanya kontra illegal drugs ay hindi nakatutok lamang sa isang sektor ng lipunan.
Ang paggamit at pagbebenta anya ng shabu ay walang pinipiling estado ng buhay at hindi rason ang pagiging mahirap para gumamit at magbenta ng iligal na droga.
Idinagdag ni Abella na malayo sa akusasyon ni Kine na nilalabag ng Pangulo ang karapatang mabuhay ng mga mahihirap dahil walo sa sampung Pilipino sa Metro Manila ay nagsasabing mas ligtas sila sa ilalim ng Duterte Administration.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping