Hinimok ng Human Rights Watch si Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang kanyang banta na bobombahin ang mga paaralan na pinangangasiwaan ng mga katutubong Lumad.
Ayon kay Human Rights Watch Researcher Carlos Conde, ang pahayag ni Pangulong Duterte na kanyang gagamitin ang militar para atakihin ang mga paaralan ng mga Lumad ay isang klase ng war crime.
Aniya, batay sa International Humanitarian Law, ipinagbabawal ang pag-atake sa mga eskwelahan maging sa mga estudyante at mga guro.
Kasabay nito, iginiit din ni Conde kay Pangulong Duterte na pirmahan ang Safe Schools Declaration na nagbibigay proteksyon sa mga estudyante, guro, mga paaralan at Unibersidad mula sa mga pag-atake sa panahon ng giyera.
Matatandaang, sa press briefing matapos ng kanyang SONA o State of the Nation Address ay nagbanta si Pangulong Duterte na bobombahin ang mga paaralang pinatatakbo ng mga Lumad dahil sa hinihinalang ginagamit ito upang turuan ang mga estudyante na maging rebelde.
- Krista De Dios