Ipinanawagan ni Senador Grace Poe sa otoridad na agad imbestigahan ang hinihinalang human trafficking na isinasagawa ng mga sindikato na nag-oorganisa ng foreign tours upang makapang-biktima.
Matapos ang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs hinggil sa kidnapping, inihayag ni Poe na kailangan ang mahigpit na koordinasyon ng pulisya at kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Ito’y sa gitna ng sunod-sunod na insidente ng pagdukot kabilang ang kaugnayan nito sa pagsasamantala sa kababaihan.
Maryoon anyang mga turistang pumupunta sa Pilipinas subalit dinudukot at ibinebenta sa isang sindikato at tsaka lamang pakakawalan kapag nabawi na ng sindikato ang nagastos nila.
Idinagdag ng senador na dapat paigtingin din ng Bureau of Immigration ang pagsusuri sa mga dayuhan na pumapasok sa bansa upang matiyak na lehitimong bisita at hindi ipinupuslit ang mga ito. —Sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)