Arestado ang 2 drug suspek habang aabot sa humigit kumulang 1 kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat naman ng mga awtoridad.
Ito’y sa ikinasang drug buy-bust operations ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Mall of Asia Complex sa Pasay City kagabi.
Kinilala ni PDEA Dir/Gen. Wilkins Villanueva ang naarestong drug suspek na sina Jake Hernandez, 21 anyos at Lorieben Delos Santos, 18.
Pinangunahan ng PDEA MIMAROPA ang nasabing operasyon katuwang ang Provincial Offices ng Romblon, Oriental Mindoro at Marinduque PNP.
Nakuha mula sa mga suspek ang nabanggit na dami ng shabu na nakasilid sa isang malaking plastic sachet at tinatayang nagkakahalaga ng humigit kumulang na P6 milyon.
Nasa kostudiya na ng pulisya ang mga suspek at ikinakasa na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanila. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)