Binanatan ni Davao City Mayor at Presidential Daughter Sara Duterte – Carpio ang tatlong opposition senators dahil sa aniya’y pagiging mga ‘oportunista’ at ‘plastik’.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Duterte – Carpio na sina Senator Francis Pangilinan, Risa Hontiveros at Antonio Trillanes IV ay humingi ng tulong sa kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte noong mga nakaraang eleksyon.
Ayon kay Duterte – Carpio, naalala niyang nagtungo noon si Pangilinan sa isang golf club sa Davao City para humingi ng endorsement mula kay Pangulong Duterte ilang taon na ang nakararaan.
Sinabi pa ni Duterte – Carpio, naalala niya din si Hontiveros na nangungulit sa kanya at nagtungo pa kanyang law office para humingi ng tulong ng boto mula sa Davao City.
Gayundin, aniya si Trillanes na humingi ng tulong kay Pangulong Duterte para sa vice presidential bid nito noong nakaraang eleksyon.
Giit ni Duterte – Carpio, noong panahong humihingi aniya ng tulong ang tatlong nasabing mga senador ay wala silang problema sa paraan ng pamumuno ni Pangulong Duterte pero nang manalo aniya ito ay biglang nag-iba.
Tinawag pa ni Duterte – Carpio ang grupong Tindig Pilipinas na Hunger Games Pilipinas matapos ang three fingered salute na ginawa ng tatlong senador na tulad ng sikat na pelikula at nobelang Hunger Games.
Samantala, sa kanyang post pa din, sinabi ni Duterte – Carpio na kanyang irereserba ang kanyang ‘remarks’ laban kay Vice President Leni Robredo dahil aniya, sinabi ng Bise Presidente na hindi siya miyembro ng naturang grupo.