Kakaibang dognapping ang naganap sa Glouchester, Massachusetts.
Nagpapahinga kasi ang husky na si Gunnar sa kanyang bakuran nang dumating ang isang pitong taong gulang na batang babae na may dalang collar at stuffed toy.
Makikitang tinanggal ng batang si Olivia Myers ang “Mama’s Boy” collar ni Gunnar at sinuotan ito ng collar na may nakalagay na “Olivia’s Boy”.
Iniwan din niya sa pwesto ang bitbit na husky stuffed toy, sa pag-asang walang makakapansin ng pinagkaiba nito sa tunay na aso!
Inaya ni Olivia ang husky na tumakbo paalis at ilang saglit lang, sumama naman ito sa kanya.
Habang nangyayari ng insidente, pinapanood na pala ng fur mom na si Amanda Sullivan ang dognapping! Sa halip na pigilan ito, pinanood niya lamang ang bata na gawin ang kanyang “purr-fect crime”, bago ito puntahan sa kanyang bahay upang bawiin ang aso.
Napag-alamang una nang sinabi ni Olivia na kukunin nito ang husky. Matalik kasing magkaibigan ang bata at aso, simula nang magkita sila dalawang taon na ang nakararaan.
Ngunit bago nila makilala ang isa’t isa, nakaranas umano ng depression si Gunnar dahil sa pagkamatay ng kanyang dalawang kapatid.
Kaya nang dumating sa buhay niya si Olivia, muling sumaya si Gunnar. Welcome anytime ang bata sa bahay ng aso upang makapaglaro sila.
Pagbibiro ni Amanda, tanggap na niyang tila pinaghahatian nila ni Olivia ang aso na pareho nilang inaalagaan at minamahal.