Anim na taon na ang nakalipas nang maganap ang karumaldumal na karahasan sa kasaysayan sa buong mundo ang Maguindanao Massacre.
Ngunit hanggang ngayon ay malakas pa rin ang panaghoy at sigaw ng mga kamag-anak ng mga naging biktima dito, nasaan ang hustisya?
Tama, ang hustisya ay talagang mailap para sa mga naulila dahil sa bagal na maresolba ang kasong isinampa laban sa mga inakusahang pumatay at nagplano dito.
Taon-taon na lamang ginugunita ang Maguindanao Massacre, upang magsilbing paalala sa ating husgado at prosekusyon na ano na ang kalalabasan ng mga iprinisintang mga ebidensiya, pero hanggang nagyon ay masigasig pa rin ang kampo ng mga akusado na maghain ng kanilang mga mosyon na siya namang dahilan para tumagal ang paggaawad ng hatol.
Kaya hindi maiwasang tuligsain at batikusin ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino na walang nagawa at tanging puro pangako lamang sa buo niyang panunungkulan.
Ang masakit na paghahambing ng mga kritiko sa pagsasabing, eh yung kaso nga ng pagkamatay ni Senador Ninoy Aquino ay hindi pa matiyak at matukoy kung sino ang nag-utos sa paglikida, dalawang Pangulo mula sa Pamilya Aquino ang nanungkulan na, sa tingin ba ninyo na itong Maguindanao Massacre ay may mahihita pa bang hustisya.
Nakalulungkot itong sabihin dahil ito po ang realidad.
Ang nakakatakot ay baka yung mga tumatayong testigo laban sa mga akusado dito sa Maguindanao Massacre case ay unti-unti nang maglaho dahil patuloy pa rin gumagalaw ang mga galamay nito at inisa-isa na silang nililikida upang tuluyan na silang patahimikin.
Totoo pa rin ang kasabihang “Justice Delayed is Justice Denied”, ewan ko nga bakit hindi pa rin ito nagbago.
Ang masaklap din dito ay dahil sa kabagalan ng pagkamit ng hustisya, maging ang hanay ng mga mamamahayag na naging biktima rin sa Maguindanao Massacre, ay patuloy na nanganganib dahil kung di matigil ang karahasan sa hanay ng media, tiyak na ang mga kriminal ay siguradong mamamayagpag.
Kaya pakiusap natin hatulan na, kung sa tingin niyo na may pagkakasala itong mga inaakusahan, at huwag niyo nang antayin pa na ang mga sibilyan ang humatol sa kanila.
Naalala ko tuloy ang sinabi ni Russian President Vladimir Putin sa mga gumawa ng pagpabagsak sa Russian Aircraft sa Egypt, sabi niya “To forgive the terrorist is up to God, but to send them to see God is my duty”.
Naku, huwag sanang mangyari ito sa ating bayan dahil may tiwala pa rin kami sa sistema ng hustisya sa Pilipinas.