Nakiisa ang Malacañang sa 10th year commemoration ng karumaldumal na Maguindanao Massacre, kung saan 58 katao ang nasawi kabilang na ang 32 mga mamamahayag.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo, umaasa sila na sa paggunita ng ika-sampung taon ng Ampatuan Massacre ay makakamit na ng mga biktima ang matagal nang hinihintay na hustisya.
Matatandaang una nang humiling ng extension nang hanggang December 20 ang judge na may hawak sa kaso upang makapagpalabas ng kanyang pinal na desisyon.
Dagdag ni Panelo, nananatiling sinsero ang Duterte Administration sa pangako nitong ipagkakaloob sa mga naulilang pamilya ng mga biktima ang hustisya na kanilang hinihingi.
Kasabay narin aniya dito ang pagbibigay ng proteksyon sa lahat ng mga media practitioners.
Andanar naniniwalang magiging paborable sa Maguindanao massacre victims ang ilalabas na desisyon ng korte
Malaki naman ang paniniwala ni Communications Sec. Martin Andanar na magiging paborable para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre ang ilalabas na desisyon ng Korte bago matapos ang taong ito.
Ayon kay Andanar, sa pamamagitan nito, matutuldukan na ang isang dekadang paghahanap ng hustisya ng mga naulilang pamilya ng mga biktima ng karumaldumal na krimen.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng kalihim na hindi titigil ang Duterte administration at ang Presidential Task Force on Media Security o PTFOMS sa mga ginagawa nitong hakbang upang mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng pagpaslang sa mga mamamahayag.
Dagdag ni Andanar, gagawin aniya ng pamahalaan ang lahat upang mapigilan at matapos na ang mga pag-atake sa mga media practitioners na ginagampanan lamang ang kanilang mga obligasyon na maihayag ang katotohanan.