Tiniyak ni bagong talagang Prosecutor General Richard Fadullon na mauungkat ang katotohanan sa pagkamatay ng mga biktima ng war on drugs campaign ng Duterte administration.
Ayon kay Atty. Fadullon, makikipagtulungan sila sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan dahil inaasahan nilang tataas pa ang unang datos na anim na libo ang namatay sa madugong giyera kontra droga.
Sa ngayon aniya ay sisikapin nilang mapanatag ang loob ng pamilya ng mga biktima at maipakitang hindi nakalilimutan ng pamahalaan ang kontrobersyal na kampanya ng nakaraang administrasyon.
Samantala, sinabi rin ni Prosecutor General Fadullon na walang katiyakan kung kailan matatapos ang imbestigasyon dahil depende pa ito sa ituturo ng ebidensya. - sa panulat ni Laica Cuevas