Nabuhayan ng pag-asa si dating Philippine National Police- Special Action Force (PNP-SAF) Director Getulio Napeñas na mabigyang linaw at hustisya ang pagkamatay ng 44 na miyembro ng PNP-SAF sa madugong engkwentro sa Mamasapano dalawang taon na ang nakararaan.
Ito ay matapos ihayag ni Pangulong Duterte ang planong pagbuo ng isang independent commission na magsasagawa ng imbestigasyon sa Mamasapano operation na ikinamatay ng SAF 44.
Sa panayam sa DWIZ, inihayag ni Napeñas na ito ang magbibigay hudyat para lumabas ang katotohanan.
“Kaya noong nakikinig ako sa speech ni President Duterte, natuwa ako kasi alam niya ‘yung totoo, alam niya ‘yung talagang sitwasyon on ground. I really hope na this will give another view or angle sa naganap na engkwentro upang mabigyang hustisya na rin ang mga biktima.” Pahayag ni Napeñas.
Kasabay nito, ipinabatid din ni Napeñas na noon pa man ay nakatatanggap na siya ng impormasyon na sa huli, siya umano ang ididiin at magiging fall guy sa isyu.
“May mga impormasyon ako lalo na noong last na hearing na ako ang gustong idiin pero I don’t have direct evidence on that.”
Samantala, muling iginiit ni Napeñas na sumunod lang siya sa mga utos ng noo’y hepe ng pulisya na si General Alan Purisima, na siyang nangasiwa sa operasyon.
“Si General Purisima talaga ang nangangasiwa sa operasyon base na rin sa mga utos ng pangulong Aquino. May go signal itong Oplan Exodus. Lahat ng instruction ng pangulo ay ipinaparating niya kay General Purisima.”
Sa huli, nanindigan si Napeñas na karapat-dapat lamang na mabigyan ang lahat ng napaslang na SAF ng medal of valor, ang pinakamataas na karangalang pang-militar.
“Nararapat lamang igawad itong medal of valor sa mga nasawi upang mabigyang kilala ang kabayanihan at katapangan ng ating mga SAF trooper na nagbuwis ng buhay para sa ikaliligtas ng ating bayan.”
By Ira Cruz | Credit to: Karambola (Interview)