Ginawaran na ni Pangulong Benigno Aquino III ng medal of valor o medalya ng kagitingan ang 2 sa 44 na miyembro ng Special Action Force na nasawi sa engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao sa unang taong anibersaryo ng Mamasapano incident.
Tinanggap ng mga kaanak nina Senior Inspector Gednat Tabdi at PO2 Romeo Cempron ang Medalya ng Kagitingan.
Sa kanyang talumpati, sinariwa ni Pangulong Aquino ang ipinakitang kagitingan nina Tabdi at Cempron sa kasagsagan ng kanilang operasyon na layong mahuli ang international terrorist na sa Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Ang 42 pang miyembro ng SAF ay ginawaran naman ng medalya ng kabayanihan.
Tiniyak naman ng Pangulong Aquino na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang mga nasawing SAF commandos.
Invitation
May mga grupong nanulsol di umano sa pamilya ng SAF 44 na huwag dumalo sa paggunita ng pagbibigay ng parangal sa kanila ngayong unang anibersaryo ng Mamasapano clash.
Kinumpirma ito ni PNP Chief, Director General Ricardo Marquez batay anya sa report ng kanyang mga tauhan na nakipag-ugnayan sa pamilya ng SAF 44.
Kasabay nito, itinanggi ni Marquez na brinaso nila ang pamilya ng SAF 44 para dumalo sa inihanda nilang aktibidad para sa unang anibersaryo ng pagkamatay ng SAF 44.
Sinabi ni Marquez na bahagi ng proseso ang pagbibigay nila ng imbitasyon sa pamilya ng mga biktima dahil tatanggap sila ng parangal.
Justice
Hustisya at hindi tulong pinansyal ang kailangan ng mga naiwang pamilya’t kaanak ng mga nasawing miyembro ng PNP Special Action Force o PNP SAF 44.
Ito ang inihayag sa DWIZ ni Retired C/Supt. Tomas Rentoy, pinuno ng PNP Academy Alumni Association bilang pagsuporta sa muling pag-iimbestiga ng Senado sa madugong engkuwentro sa Mamasapano Maguindanao isang taon na ang nakalilipas.
Binigyang diin ni Rentoy na hanggang ngayon, wala pang ni isa man sa mga pumaslang sa Gallant 44 ang napanagot sa batas.
“Yung hustisya nga na minimithi natin ay hindi pa rin nakakamit dahil yun ngang mga MILF na involve doon sabi nakasuhan pero nabasa ko wala pa palang probable cause, pag nakulong na siguro yung perpetrators at nabigyan ng karampatang parusa sa batas.” Ani Rentoy.
Maliban sa mga pumaslang sa SAF 44, nais din ni Rentoy na mapanagot ang lahat ng mga sangkot na opisyal sa nasabing operasyon dahil sa kanilang kapabayaan.
“Alam na nilang binabakbakan na hindi man lang nagpadala ng reinforcement, we cannot achieve that at this point, kasi alam naman natin kung sino ang nag-utos niyan.” Pahayag ni Rentoy.
By Ralph Obina | Len Aguirre | Jonathan Andal | Jaymark Dagala | Karambola