Kinuwestiyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang kuwalipikasyon ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario para diktahan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng pahayag ni Del Rosario sa naging talumpati ni Pangulong Duterte sa United Nations General Assembly kung saan binanggit nito ang arbitral award ng Pilipinas laban sa China sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Roque, may karapatan si Del Rosario na magsalita hinggil sa mga usaping pambansa pero wala siyang nakikitang ispesiyal na kuwalipikasyon nito para diktahan ang Pangulo.
Ani Roque, hindi magandang na dinidiktahan ng sinuman ang Pangulo ng bansa.
Magugunitang, hinimok ni Del Rosario si Pangulong Duterte na kumilos sa pamamagitan ng pagkuha ng mga karagdagang suporta mula sa iba pang mga bansa bilang susunod na hakbang matapos igiit ang tagumpay ng Pilipinas sa permanent court of arbitration.