Hinimok ng Department of Interior and Local Government o DILG ang mga botante na huwag ibenta ang kanilang mga boto ngayong darating na barangay at SK elections sa Mayo 14.
Ayon sa DILG, hindi makaaasa ang mga botante ng isang mabuting serbisyo sa mga tiwaling opisyal na bumili sa kanilang mga boto kung tatanggapin nila iyon.
Kadalasan anilang talamak ang vote buying ng mga kandidato sa mga barangay na nasa lalawigan partikular na iyong mga nasa liblib na lugar kung saan mainit ang lokal na pulitika.
Pinaalalahanan din ng DILG ang mga kandidato sa mga posisyon sa barangay at SK o Sangguniang Kabataan ang itinatakda ng Omnibus Election Code na limamng piso lamang ang halaga ng dapat nilang gastusin sa kada botante.
Vote buying
Binalaan ng Department of Interior and Local Government o DILG ang mga gobernador, alkalde at iba pang lokal na opisyal ng pamahalaan na nagbabayad ng mga kandidato ng barangay at Sangguniang Kabataan para umatras.
Ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño, maaaring makasuhan at matanggal sa puwesto ang mga mahuhuling opisyal na nagbabayad para manalo ang kanilang pambatong kandidato sa barangay at SK elections.
Tiniyak din ni Diño na nakatutok ang ahensiya para sa isang malinis at makabuluhang eleksyon sa Mayo 14.
“Nananawagan ako sa mga mayor, congressman at mga governor, kasi ngayon dinodokumento kayo ng mga taong pinapatawag ninyo at pinapaatras ninyo or binabayaran, mag-ingat kayo dahil unang-una nasa Omnibus Election Code na lahat nang mag-va-violate ay puwedeng kasuhan at kapag napatunayan na kayo ay nang-harass at nakialam dito ay merong perpetual disqualification.” Ani Diño
Muling ding hinimok ni Diño ang mga botante na kilatising mabuti at pumili ng mga tamang kandidato na kanilang ihahalal para mamuno sa kani-kanilang mga barangay.
“Hindi kami nagkulang sa DILG ng pagpapaalala sainyo na ang talagang hanapin niyo ngayon ay ‘yung maglilingkod sa inyo.” Pahayag ni Diño
(Balitang Todong Lakas Interview)