Pinayuhan ng Liberal Party (LP) sa pamamagitan ng kanilang spokesman na si Marikina Rep. Miro Quimbo si Presidential candidate Senador Grace Poe na huwag mapikon sa citizenship isyu.
Ginawa ni Quimbo ang pahayag matapos mairita ni Poe sa mga tanong ng mga mamamahayag sa Pangasinan ukol sa kanyang kinakaharap na kaso na kumukuwestiyon sa kanyang citizenship.
Ayon sa mambabatas, lehitimo ang mga tanong kay Poe na dapat nitong sagutin nang maayos at huwag maging iritable kapag tinatanong ito sa kanya sa kanyang pag-iikot sa bansa.
Si Poe ay nahaharap sa tatlong disqualification case sa Commission on Elections (COMELEC) na pawang isinampa pagkatapos maghain nito ng kanyang certificate of candidacy (COC) noong Oktubre 15, 2015.
Bukod pa ito sa kasong nakasampa kay Poe sa Senate Electoral Tribunal (SET) na kumukuwestiyon hindi lamang sa kanyang pagiging Filipino kundi maging sa kanyang residency status.
By Mariboy Ysibido