Kinontra ng isang telco ang mga kumakalat na post ngayon sa social media ukol sa umano’y maaaring pagkawala ng laman ng e-wallet accounts dahil sa isasagawang “update” kaugnay ng pagtatapos ng SIM registration sa bansa sa darating na ika-26 ng Abril ngayong taon.
Ito ang nilinaw ng GCash kung saan mariin din nitong sinabi na hindi kailangang mag-panic at i-withdraw ang pera dahil ligtas ang kanilang mga account.
Kasabay nito, hinihikayat din ng kompanya at Globe na siyang parent company ng e-wallet ang pagpaparehistro ng kanilang mga subscribers. Ito ay para labanan ang tumataas na bilang ng scam cases sa bansa. Sa kasalukuyan ay umabot na sa 79 milyong Pilipino ang gumagamit ng app nito.
Binanggit na importanteng iparehistro ng mga users nila ang mga SIM sa kani-kanilang telco provider bago ang deadline para hindi ma-deactivate ang kanilang numero at hindi maantala ang access sa kanilang e-wallet accounts na konektado rito.
Para sa mga prepaid users ng Globe, maaaring bisitahin lamang ang opisyal nitong registration website sa https://new.globe.com.ph/simreg upang mairehistro ang kanilang numero.
Ang mga postpaid users, maaari ring i-text ang keyword na “SIMREG” sa 8080 para makumpirma na tunay ang mga impormasyon na ipinasa kaugnay ng paunang aplikasyon para sa postpaid plan.
Kaya upang masiguro ang mabilis at tuluy-tuloy na pagrerehistro, siguruhin din na nakahanda ang mga kakailanganing ID at tama at totoo ang mga impormasyong ilalagay, kabilang ang buong pangalan, araw ng kapanganakan, kasarian, tirahan, uri ng government ID na ginamit pati ang ID number na nakasaad dito, at ang larawan ng user o nagpaparehistro.
Ang mga menor de edad naman na registered user ng GCash Jr. ay dapat iparehistro ang kanilang Globe SIM card gamit ang pangalan, impormasyon, at ID ng kanilang magulang o legal guardian.
Sinasabing kung sakali man na nais ilipat ang GCash funds sa bagong numero, kinakailangan ding gumawa ng bagong GCash account na konektado sa iyong bagong numero at siguraduhin na fully verified ito.
Nabatid na dapat ding tiyakin na rehistrado na ang bagong numero upang masiguro ang proseso ng pag-transfer ng pondo at maayos na pag-access sa bagong GCash account.
Samantala, siniguro naman ng kompanya na ligtas ang mga account at ang laman nito habang patuloy ang proseso ng SIM registration. Gayundin, tanging ang mga telco providers lamang ang awtorisadong magproseso ng SIM registration at hindi kailanman hihingin ang impormasyon ng users sa pamamagitan ng calls, links, text messages, at email.