Mahirap nang baguhin ang takbo ng lagay ng panahon sa Pilipinas at mga karatig na bansa sa Asya, dahil sa umiiral na sankatutak na weather system, ma-bagyo man , low pressure area (LPA) at inter-tropical convergence zone (ITCZ).
Sa Pilipinas sanay na tayo sa tatlong abnormalidad na iyan, lalo’t may mga malagim at di malilimutang karanasan, kung pagbabasehan ang lupit at epekto ng mga nagdaang weather system, lalo na ang bagyo.
Halimbawa na lamang ang Bagyong Ondoy at Yolanda na siyang nagpamulat sa ating lahat ang resbak ng inang-kalikasan.
Malupit ang mga nagdaang bagyo, dahil di lamang mga ari-arian ang pinerwisyo kundi ang buhay ng ating mga mahal sa buhay .
Bagamat umukit sa kamalayan ng lahat ang hatid na peligro sa buhay ng bawat mamamayan ng mga nagdaang kalamidad, nariyan pa rin tayo sa dating gawi, tulad ng di pagtapon ng tamang basura kung kaya’t konting buhos ng ulan lamang ay madalas tayong nakararanas ng mga pagbaha.
Tulad na lamang ng mga nagdaang pag-ulan, hindi pa nga pumasok ang rainy season ay pinarusahan na ang publiko partikular ang mga mananakay at mga motorista.
At ngayon, may deklarasyon na ang PAG-ASA na opisyal nang pumasok ang tag-ulan, ay mas nangamba ang publiko dahil kaakibat niyan ay pagbaha at pagbaha!
Ang hindi natin maiintindihan ay kung bakit noong panahon ng tag-init ay hindi ito nabigyan ng panahon upang linisin ang mga estero’t-daluyan ng tubig, kaya resulta: baha dito at baha doon.
Tandaan niyo hindi lamang sa Metro Manila may ganitong problema sa pagbabaha, bagkus ito ay nangyayari sa mga malalaking lungsod sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Siguro panahon na huwag maging ningas-kugon at maghanap ng mga mitigating system ang mga ahesiya ng gobyerno tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga City Engineers Office nationwide, upang sa ganun ay matutukan ang drainage system at gawan ng paraan na malinis ito araw-araw at hindi lamang tuwing may mga nasusupungang mga pagbaha.