Hinirang ni Presumptive President Rodrigo Duterte si Atty. Vitaliano Aguirre bilang kalihim ng Department of Justice, isa sa pinakamakapangyarihang miyembro ng gabinete ng isang umuupong Pangulo.
Bakit kanyo, dahil siya lang naman ang may malawak na mandato na ipairal ang patas na criminal justice system, una ang pagsagawa ng imbestigasyon at mapanagot ang mga taong sangkot sa krimen.
Nakapaloob din sa kanyang responsibilidad ay maging tagapagtanggol o legal counsel ng gobyerno lalong-lalo na sa mga Government Owned and Controlled Corporations (GOCC).
Isa rin sa kanyang trabaho ay upang siguruduhing nabibigyan ng tamang legal assistance ang mga kababayan nating kapos sa perang pambayad sa mga dekapanilyang abogado.
At higit sa lahat, masiguro ang regulasyon sa mga banyagang pumapasok sa ating bansa.
Dahil sa laki ng trabahong ito, madalas tampulan ng sisi at batikos ang Department of Justice.
Nitong nagdaang administrasyon, naungkat ang problema sa ating National Penitentiary, halimbawa ang New Bilibid Prison na naging 5-star hotel na ng mga high-profile prisoners.
Mantakin niyo, “only in the Philippines” na kahit nakapiit na ang isang nahatulang criminal, may lakas loob pa silang makapag-pasok ng mga kontrabando tulad ng shabu at mga armas.
Kaya naman hindi alintana ng mga nakakulong na sila’y napagkait ng kalayaan dahil malaya pa rin nilang nagagagawa ang mga ginagawa ng isang malayang nilalang.
Halimbawa na lamang, isang convicted drug-lord ay malaya pa ring nakakapag-benta at nakagagawa pa ng shabu sa loob ng piitan.
Ito ba ay kayang putulin ni Sec. Aguirre?
Dito masususbukan kung gaano katibay ang kanyang dibdib para kalusin ang mga nakikinabang na umano’y tiwaling mga tauhan ng Bureau of Corrections.
Kung tutuusin, kilala pa naman itong si Sec. Aguirre na nagtatakip ng kanyang tenga kapag siya’y napagsasabihan.
Kamakailan lamang ay naging “social media darling” si Sec. Aguirre nang makita siyang nagtakip ng tenga sa kasagsagan ng Impeachment Trial laban kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Napag-sermonan siya noon ni Senador Miriam Defensor-Santiago, ukol sa usaping legal, kung kaya’t ginawa niya ang kilos na animo’y ayaw niyang napagsasabihan.
Sana sa puntong siya’y maluklok at gampanan ang kanyang tungkulin bilang tagapagtaguyod ng katarungan, buksan mo Sec ang iyong tenga at unawin ang bawat hinaing ng ating mga kababayan.
Gayahin mo ang simbolo ng katarungan, na bukas ang tenga, at ipiring mo ang iyong mga mata para maging patas ang hustisya sa lahat!