Bumubuo ng isang sistema ang Department of Information Communications and Technology (DICT) kung saan malalaman na ang resulta ng eleksyon sa loob lamang ng limang (5) oras pagkatapos ng botohan.
Ayon kay DICT officer in charge Eliseo Rio, nakatakda nilang iprisinta ang phototype ng konseptong ito bago matapos ang Hunyo.
Sinabi ni Rio na bukod sa mas mabilis, magiging transparent rin ang bilangan ng boto dahil manual na pagbibilang ang gamit sa binubuo nilang teknolohiya.
Pinuna ni Rio na sa kasalukuyang sistema, hindi transparent ang pagbibilang ng boto dahil hindi naman nakikita ng taongbayan kung paano binibilang ng makina o ng vote counting machine ang mga boto.
Sa pamamagitan anya ng binubuo nilang hybrid technology, magiging transparent ang bilangan dahil gagawin itong manual subalit automated naman ang trasmittal.
Gayunman, aminado si Rio na posibleng mangailangan ito ng pag amyenda sa automated election law.