Magpapakalat ng city buses ang Inter – Agency Council on Traffic (I–ACT) sa mga lugar na maapektuhan ng kanilang isinasagawang ‘Oplan Tanggal Bulok, Tanggal Usok’ campaign.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Atty. Aileen Lizada, pantapat ang mga nasabing bus sa mga pampasaherong jeepney na mahuhuli dahil sa mga bulok na behikulo, mga nagka-cutting trip at mga kolorum.
Lifted ang coding sa mga bus na papaskilan ng karatulang ‘special trip’ at mayroon itong pamasahe na P10.00 hanggang P12.00.
Tiniyak naman ni Lizada na sa mga susunod na buwan ay maaari nang masakyan ng publiko ang mga bagong modernong jeepney.
Matatandaang mas pinalawak ng I-ACT ang operasyon ng naturang kampanya hanggang sa mga boundary ng Metro Manila, simula noong Enero 26.
Ayon kay I-ACT Task Force Alamid Head General Manuel Gonzales, kabilang sa saklaw ng kampanya kontra mga bulok na PUV ang mga lugar tulad ng Cavite, Laguna, Bulacan at Antipolo City, Rizal.