Nagpaliwanag si Senador JV Ejercito sa panawagan niyang itigil na ng Public Attorney’s Office o PAO ang isinasagawang forensic examination sa mga umano’y nabiktima ng dengvaxia.
Sinabi sa DWIZ ni Ejercito na concern lamang niya ay ‘expertise’ ng mga taga – PAO sa pagsasagawa ng nasabing proseso bagamat kinikilala naman aniya niya ang pagtulong ng PAO sa nasabing usapin.
Ayon kay Ejercito, isa siya sa mga may agam – agam sa usapin dahil kabilang ang kaniyang anak sa naturukan ng dengvaxia.
Very much concern ako dito dahil baka mamaya akala ng iba kumakampi na ako, kaya lang we have to let the experts ‘yung persons in authorities especially on medical matters dapat sila ‘yung hayaan po natin na dumiskarte dito.
Hindi naman sa minamaliit natin. In fact, I commend the efforts of PAO kaya lang kanya – kanyang expertise ‘yun ang concern ko.
Matatandaang pinahihinto ng isang grupo ng mga doktor ang PAO sa pag-otopsiya sa mga hinihinalang biktima ng dengvaxia.
Ayon kay dating Health Secretary Ezperanza Cabral na siya ding namumuno sa grupong Doctors for Public Welfare, mali ang diagnosis na inilabas ng forensic expert ng PAO na si Dr. Erwin Erfe na nagsasabing may kinalaman ang dengvaxia sa pagkamatay ng lahat ng batang kanilang isinailalim sa autopsy.
Giit ni Cabral, napatunayan na ng mga forensic pathologist ng Philippine General Hospital o PGH na walang kinalaman sa dengvaxia ang pagkamatay ng 13 sa 14 na batang naturukan ng bakuna.