Igniit ng I.T. o Information Technology Consultant ng Korte Suprema na si Helen Macasaet na maliit lamang ang tinatanggap niyang suweldo sa high tribunal na nagkakahalaga ng 250,000 Piso kada buwan.
Sa pagharap ni Macasaet sa impeachment hearing ng House Committee on Justice laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, iniyabang pa ni Macasaet na dahil sa dami ng kinakaltas sa kaniyang suweldo, aabot lamang sa 80,000 piso ang kaniyang nai-uuwi.
Sapat na aniya ito para ipambili ng kaniyang make up at isang pares na sapatos kumpara sa tinatanggap niyang suweldo nuong siya’y nasa GSIS o Government Service Insurance System na nagkakahalaga ng 925,000 Piso kada buwan o nasa 10 milyong Piso kada taon.
Pagmalalaki pa ni Macasaet, 35 taon na siyang I.T. end user at solutions provider kung saan, siya lamang umano ang nakalutas ng pinakamalaking I.T. crisis sa Pilipinas nang ma-hack ang data base ng GSIS.
Ibinida rin ni Macasaet na naging CEO o Chief Executive Officer siya ng isang malaking I.T. company kung saan siya tumatanggap ng 3g milyong Pisong suweldo kada taon, bukod pa sa kotse, allowance, gasolina at telepono.
Pero hindi ito kinagat ni House Justice Committee Chair at Mindoro Rep. Reynaldo Umali ang mga pagyayabang ni Macasaet at binigyang diin nito na magkaiba ang SC sa GSIS lalo na sa pinagkukuhanan ng pondo ng mga ito.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Jill Resontoc
Posted by: Robert Eugenio