Inirekomenda ni Senator Sonny Angara na magsagawa na lang ng dayalogo ang Inter-Agency Task Force (IATF) at Cebu provincial government.
Ito’y upang maiwasang umabot pa sa korte ang usapin sakaling magmatigas ang IATF at Cebu LGU sa kani-kanilang paninindigan hinggil sa mandatory at optional na pagsusuot ng face mask.
Ayon kay Angara, nauunawaan niya si Cebu Governor Gwendolyn Garcia sa pag-i-isyu ng patakaran ukol sa opsyonal na pagsusuot ng facemask sa kanilang lalawigan.
Ito’y dahil nakasalalay ang kanilang income sa turismo kaya’t bumuo ito ng pro-active policy sa pagsusuot ng facemask.
May basehan din naman anya ang hakbang ng gobernador dahil kapag tiningnan ang ibang mga bansa tulad sa Europa, Amerika at Asya, gaya sa indonesia, ginawa na lang optional ang pagsusuot ng face mask.
Mayroon naman din anyang siyensya na sumusuporta sa optional na pagsusuot ng facemask sa outdoor area pero ibang usapin na sa matataong lugar kung saan mahirap ipatupad ang social distancing, gaya sa bus stop, sakayan ng jeep, tren at palengke. – sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)