Nakatakdang magpulong sina Pangulong Rodrigo Duterte at mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ilang infectious disease experts hinggil sa bagong strain ng COVID-19 na naunang natuklasan sa UK.
Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo na si Secretary Harry Roque, gaganapin ang naturang special meeting, bukas, ika-26 ng Disyembre sa Malacañang golf clubhouse.
Dagdag pa ni Roque, inaasahang tatalakayin sa naturang special meeting, ang mga alituntuning kailangang baguhin at ipatupad bilang pag-iingat sa kapakanan ng publiko.
Kaugnay nito, ayon kay Senador Christopher ‘Bong’ Go, pa-i-iksiin ng punong ehekutibo ang kanyang Christmas break para tutukan ang gagawing hakbang ng pamahalaan laban sa bagong strain ng virus.
Mababatid ayon sa ilang mga eksperto, ang naturang bagong strain ng virus, ay di hamak na mas mabilis na nakakahawa.
Iginiit din ni Go, na lubos na nababahala ang Pangulo sa naturang balitang may bagong strain ng COVID-19.
Nauna rito, gaya ng ibang mga bansa nagpatupad na ng paghihigpit ang bansa para sa mga biyaherong manggagaling sa UK.